“Katutubong Ilongot”
Unang Nanirahan at Nakapagtatag ng mga Pamayanan
Ang mga “Ilongot” ang unang nanirahan at nakapagtatag ng mga unang pamayanan sa Dipaculao. Patunay rito ang mga inapo na nanatiling residente ng bayan at mga karatig pook nito. 1750’s ay mayroon ng mga naunang likhang mapa ang mga kastila kung saan nakasulat ang lugar na kinaroroonan ng Dipaculao at kalapit na pook bilang bahagi ng tinatawag na “YLONGOTES” (ibigsabihin ay kilala ang lugar ng Dipaculao bilang pook ng mga Tribong Ilongot). Malawak ang kabundukan at kapatagan na nadadaluyan ng mga sapa na siyang pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay. Bukod sa Baryo Dipaculao, sentrong pamayanan din ng mga Tribong Ilongot ang “Puangi, Dibutunan, Dithali, Diarabasin, at Dinadiawan”
Taong 1770’s hanggang 1880’s ay mayroon ding mga lumang mapa kung saan nalimbag ang ilang mga Baryo tulad ng Dipaculao, Ditale, Diarabasin, at Dinadiawan. Ang mga baryong ito ay dating nasasakupan ng Bayan ng Baler. Ayon sa ilang mga paglalarawan ng mga dayuhan, kilala ang mga pamayanang ito bilang lugar na pinamumugaran ng mga maiilap at matatapang na Ilongot. Iyan ang dahilan kung bakit hindi madaling mapasok at hindi nakapagsagawa agad ng Misyon ang Simbahan ng Baler.
Saan nga ba nagmula ang salitang Dipaculao? Ano ang kahulugan ng salitang Dipaculao? Sino ang nagbigay ng pangalang “Dipaculao”?
Kalimitang sinasabi at naikukuwento ng ilang mga residente sa kasalukuyan ay iniuugnay sa kwento ni Dipac na isang Ilongot. Ayon sa pagsasalaysay na ang Dipaculao ay nagmula sa isang pangalan ng Ilongot na “Digpap/Dipac”. Nagkaroon ng inuman at pagtitipon sa pagitan ng mga Ilokanong residente ng baryo at ng mga Ilongot. Kalaunay nalasing at natumba si “Dipac/Digpap”. Isa sa mga kainuman nitong Ilokano ay nagwikang “Ni Dipac naulaw” (terminong iloco na ang ibig sabihin ay “si Dipac nahilo”). Tuba ang kanilang inumin na siyang sanhi ng kaniyang pagkahilo. Kung titignang mabuti, maliwanag ng taong 1700s’ ay mayroon ng Sitio Dipaculao at lalot higit na wala nakatirang Ilokano batay sa pagtatala ni Father Raphael na isang paring unang nagsagawa ng mga pagbibiyag sa lugar. Wala pang plantasyon noon ng mga niyog sa lugar na ito. Magubat at nabubuhay ang mga ilongot sa biyayang hatid ng mayabong na kapatagan at kagubatan. Ayon sa mga katutubo, ang katutubong alak ng mga Ilongot ay ang “Eyab o Sinubbong” na mula sa punong nasa kagubatan na kahawig ng niyog.
Hindi ganap na pinagmulan ng salitang Dipaculao ang kwentong unang nabanggit. Pinatunayan ito ng mga naunang mapang iginuhit at nalimbag ng mga kastila. Bago pa man nabuhay si “Digpap” o “Dipac” na naging isang elder ay pangalan na ito ng kanyang baryo mahigit dalawandaang taon na ang nakalilipas. Ayon sa mga tala, inilarawan ang mga Ilongot na nakatira sa Dipaculao, Dithale, at Diarabasin bilang mga mababagsik na katutubo dahil sa kaugalian ng pamumugot ng ulo. Sa paglalarawang ito ay patunay na walang mga lokal na dayuhang ilokano sa lugar. Lumipas ang ilang mga taon ay naging matagumpay ang pagsasagawa ng misyon na pinangunahan ng mga Misyonero mula sa simbahan ng Baler (ito ay kilala bilang Misyon de San Miguel Dipaculao).
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang mga Ilongot ay mga katutubong may sariling pagkakakilanlang wika. Patunay rito ang mga pangalan ng mga barangay na bahagi ng kanilang linggwahe “Puangi, Ditale, Dinadiawan, Dibutunan, Diarabasin, Gupa at Dipaculao. Ang pangalan ng mga lugar na ito ay may kahulugan at kalimitan ay isinusunod sa pangalan ng mga ilog, mga sapa, at pangalan ng kahoy o halaman kung saan napakarami nito. Ayon kay Chieftain Romeo Cawad, walang salitang naulao/naulaw sa mga ilongot ngunit mayroon lamang silang salitang “Ula” na ang ibig sabihin ay camoteng baging. Ang salitang nahilo sa wikang ilongot ay “naalimudeng”.
May salitang ilongot na “paku” na ibig sabihin ay pako (fern) na marami ito sa Dipaculao, at may salita rin silang “gao” na ang ibig sabihin ay kunin.
Mayroon ding tinatawag na “Pakugao River” nadumadaloy sa baryo ng Bayanihan at Kadayacan ng Maria Aurora, Aurora. Iniuugnay rin ang salitang Pakugao bilang pinagmulan ng salitang Dipaculao.
Ayon sa mga katutubong ilongot, naging kinasanayan nila na kapag tinanong kung saan nanggaling o di kaya may ipapakuha sa isang lugar, palagi o malimit na may “di” sa simula ng pangalan ng lugar na pupuntahan. Nagkaroon ng sistemang “di” sa pagbibigay ng pangalan ng mga lugar kung saan malayang nakagagalaw ang mga Tribung Ilongot.
Ang kinaroroonan ng maraming Ilongot at kung saan matatagpuan ang kanilang pamayanan at plaza ay nasentro sa Baryo ng Dipaculao. Ang eksaktong lokasyon nito ay ang kinatitirikan ng Simbahan Katoliko at mga karatig na lote. Ilang metro patimog naman ng kanilang pamayanan ay ang kinaroroonan ng unang sentralisadong libingan. Ang pangunahing anyong tubig malapit sa kanila at dumadaloy patungong karagatan ay ang ilog na kilala bilang Dipaculao River. Ito ay ang ilog na nasa bahaging silangan ng kasalukuyang pamilihang bayan, Lobbot, Lipit, at Ipil.
Ilang Baryo at Pangalan ng Ilog o Sapa na Nauugnay sa mga Ilongot
May mga nauugnay ring salita ng mga Ilongot na pangalan ng ilang mga baryo. Isa na rito ang Lobbot na mula sa salitang “but/abut”, isang terminong Ilongot na ang ibig sabihin ay butas o lusutan ng tubig palabas. Nasa Lobbot ang labasan ng tubig mula sa mga sapa ng Mijares, Diamanen, at Ilog Sabdeng (nasasakupan ng Poblacion, Lobbot, Lipit, at Ipil).
Ang mga naunang Tribung Ilongot din ang nagbigay ng pangalan sa baryo ng Puangi, maiuugnay din ito sa lalitang Ilongot na “Pua” na ibig sabihin ay batong pula na karaniwang nakukuha sa ilog. Ang batong nabanggit ay ginagamit sa pagsulat/pagguhit ng mga Ilongot.
Ang Dibutunan ay pangalan ng sapa na sa wikang Ilongot ay nangangahulugang “uttu-gut” o masuurin. Katabi ng baryo ang nasabing malaking sapa. Sa Dibutunan matatagpuan ang lugar na kilala sa pangalan na “Piamsaan”, lugar na kublihan ng tao, at mas maikling daanan ng mga naglalakbay (shortcut). Bahagi rin ng Dibutunan ang “Ellotan”, ito ay lugar na malapit sa sapa at dagat na duungan o daungan ng mga bangka, nagsisilbi rin bilang lugar na inuman at tagpuan ng mga mamamayang nakatira.
Ang Baryo Ditale o binibigkas bilang “Dithale” ng mga Ilongot ay pangalan din ng maluwang na sapa. Ang kahulugan nito ay “pantaketentu o nagmamalasakit/ipinagmamalasakit. sa baryong ito matatagpuan ang isa sa mga unang sentralisadong libingan ng mga Ilongot. Sa kasalukuyan ay ginagamit pa rin ito ng mga inapo ng tribong Ilongot bilang libingan.
Ang Diarabasin ay mula sa salitang Ilongot na “Dialabesen”. Ito ay pangalan ng isang sapa na nangangahulugang “pannampapadungan”. o lugar na kung saan nagkakaroon ng salubungan ng mga tao. Sa mga naglalakbay mula sa hilagang bahagi nito (Dinadiawan at iba pang pamayanan ng mga Ilongot) ay dala dala ang kanilang produkto at gayundin naman sa kanilang pagbalik. Dito rin dumadaan ang mga tribong (mula Dipaculao, Dithali, Dibutunan) nagmumula sa timog na bahagi na nagnanais pumunta sa mga pook na nasa Norte. Sa ilog ng Diarabasin nagkakaroon ng pagtatagpo ang mga naglalakbay sapagkat iisa o ito lamang ang nasabing lagusan patungo sa ibang lugar. Sa baryong ito matatagpuan ang tinatawag na Baryo Keng Keng”, isinunod sa isang pangalan ng matandang Dumagat na nakapangasawa ng isang katutubong ilongot na si Mu’yo mula sa angkan ng mga Aliwak. Ang dating pook ay nagunaw o nasira dahil sa bagyo kung saan ang tubig dagat at sapa ay nagsalubong. Sa Diarabasin din makikita ang lugar na kilala bilang “Bengen” na naging salubungan, pondohan at tirahan ng mga matatanda. Isa sa mga matatanda ay si Tungpo Antonio Jacob (mula sa angkan ng mga Aliwak).
Ang Dibunnong ay isang sa mga sapa ng Diarabasin na mula sa pinagsamasamang tatlong salita ng mga ilongot, ito ay ang Taguman, Nantaguman at Ololang Juan. Ang Ololang Juan o ng Dibunnong ay siluhan at pinagkukunan ng pagkain ng mga Borlongan ay pangalan din ng sapa na mula sa salitang Ilongot na binibigkas bilang “Bellungan” na ang ibigsabihin ay butas na malaki na tinitirhan, taguan, o pahingaan ng mga Ilongot kapag sila ay nangangaso sa kagubatan. Ang kinaroroonan ng Bellungan ay nasa gawing hilaga ng Borlongan sa kasalukuyan. Mula sa sentro ng Borlongan, nasa bahaging timog nito ang unang nakilala at pinangalanan ng mga ilongot ang lugar na ito bilang “Palutanan”. Ayon ka Chieftein Felimon Jacob, ito ay nangangahulugang lugar na naging pondohan o pahingaan ng mga dayuhang lokal na dumaraan sa lugar.
Ang “Mabilao-bilao” ay pangalan din ng sapa na may maliit na talon (kilala bilang Mabilao-bilao Falls). Ang Mabilao-bilao ay naging unang pamayanan rin sa Dipaculao, isa sa mga pundasyong pook nang maitatag ang bayan ng Dipaculao. Sa kasalukuyan ito ay naging bahagi na lamang ng Baryo Dianed. Ang salitang Mabilao-bilao ay mula sa pangalan ng isang damo na tinatawag ng mga ilongot na “Bilao”. Ang mabilao ay nangangahulugang maraming bilao sa lugar na ito. Ang “Bilao” ay kalimitang ginagamit ng mga unang katutubo sa paggawa ng pana. Ayon kay Chieftein Felimon Jacob, ang lugar kung saan maraming bilao ay kalimitang sinusunog ng mga katutubong Ilongot. Kinakain ng usa ang abo o pinagsunugan ng bilao. Iyan ang siyang inaabangan ng mga katutubong Ilongot upang sila ay makapanghuli ng usa sa gabi.
Digili-gili, Diamanen, at Diapanindingan Creek ay pangalan din ng sapa kung saan ay pinangalanan ng mga katutubong Ilongot.
Ang luma o orihinal na pangalan ng kasalukuyang Amper ay “Diammasuonan” na isa ring sapa na nasasakupan ng Barangay Gupa sa kasalukuyan.
Ang Baryo Gupa ay mula sa pangalan ng punong kahoy na kung tawagin ng mga Tribung Ilongot ay “adung gupa o lupa” (isang uri ng puno na may makating dahon) sa lugar na ito. Sa baryo ng Gupa karaniwan itong tumutubo lalo na sa mga malapit sa sapang dinaraanan ng mga Ilongot kapag sila ay naglalakbay.
Ang orihinal na pangalan at katawagan sa Baryo Mijares ay “Bakbakan” na ngangahulugang “pinaglabanan”. Isang lugar na maituturing na makasaysayan dahil sa naganap na labanan sa pagitan ng puwersa ng mga Guerilla na pinangungunahan ni Bernardo Babiera at ng mga Hapon. Sa naganap na labanan, marami sa mga sundalong hapon ang napaslang. Ang Baryo ng Mijares ay isinunod sa apelyedo ni Mayor Anacleto V. Mijares na nagsilbi bilang konsehal na kinatawan ng distritong binubuo ng mga Baryo ng Dipaculao, Ditale, Diarabasin, at Dinadiawan sa konseho ng Bayan ng Baler. Siya ang itinalaga ni Pangulong Quirino bilang Unang Punong Bayan ng Dipaculao.
Ang Diamanen ay isinunod sa pangalan ng ilog na dumadaloy sa lugar hanggang Abitunan. Ang Abitunan naman ang tawag ng mga katutubong Ilongot sa sapa na nagsisilbing pagitan o boundery ng Puangi at Lobbot.

1950-1951

1952-1955

1956-1980

1980-1986; 1988-1998

1986-1987

2007-2016

2016-2019

1998-2007; 2019-PRESENT